December 22, 2024

ULTRA MODERN TRAIN SYSTEM

Publiko Editorial Team

MAYNILA — Mahihirapan na naman ang mga commuter sa Kalakhang Maynila sa tigil operasyon ng rota ng Philippine National Railways (PNR) mula Tutuban sa Divisoria, Maynila hanggang Alabang sa Muntinlupa sa gitna ng pagsisimula ng konstruksyon ng ambisyosong 5-taong proyektong pagsasamoderno ng pangunahing railway system ng bansa upang pumantay sa buong mundo.
Gayun man, sa pagkakasuspindi ng oeprasyon nito sa Metro Manila hanggang 2030, ililipat ng PNR ang kasalukuyang pulutong nga tren para magsilbi sa mga commuter sa katimugang Luzon at Bicol region.
Sa Kapihan sa Manila Hotel media forum na pinangunahan nina dating senador at kasalukuyang Manila Hotel president Joey Lina at dating press secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma, hinayag ni PNR chairman Michael ted Macapagal na 10 hanggang 12 train set na ginagamit ng suspendidong Metro Commuter Line ay ililipat sa Laguna, Quezon at Bicol.
Idinagdag ni Macapagal na ang paglilipat ay inaasahang makumpleto sa Hulyo ngayong taon.
“We are targeting around three months to fully migrate our rolling stocks (to these areas). We will first bring back operations (for) shorter trips until we are able to fully restore the long-distance travel from Calamba (Laguna) to Legazpi (Albay) and vice versa,” pinunto nito.
Sinuspindi ang Metro Manila line simula noong Marso 26 para magbigay daan sa konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR). Inaasahang aabot sa mahigit 20,000 regular na pasahero ang maaapektuhan dito subalit nag-commit naman ang Department of Transportation (DoTr) na magde-deploy ng mga karagdagang bus para sa mga commuter.
Sa ngayon, nag-o-operate ang PNR ng tatlong train line na may tig-dalawang biyahe: ang rotang Calamba-Lucena at pabalik; Sipocot-Naga at pabalik din; at Naga-Legazpi and vice versa. Hindi pa operational ang 200-kilometrong train line na kukunekta sa Lucena sa Sipocot.
Simula pa ng nakaraang taon, kinkumpleto ng PNR pagpapatibay sa pundasyon ng mga riles nito at tulay habang nananatili ang aktibong rolling stocks nito sa 13 diesel-powered locomotive, pitong set ng mga bagon at walong set ng mga multiple diesel-powered unit.
Hiniling ni Macapagal ang pag-uunawa ng publiko at inulit na ang pagkakasuspindi ng PNR Metro Commuter Line—mula Gov. Pascual sa Malabon hanggang sa Tutuban sa Maynila at hanggang sa Alabang sa Muntinlupa City—ay bahagi ng modernisasyon ng PNR at pagnanais na mailatag ang 147-km NSCR na tatakbo mula Pampanga hanggang Laguna.
Binansagang Clark-Calamba Railway, ang NSCR ay magkakaroon ng 36 na station at may layuning maiugnay ang lahat ng mga lugar sa Greater Manila Area at mabawasan din ang travel time mula sa tatlo sa dalawang oras na lang.
Inaasahangh makukumpleto ang ₱873.62-bilyong proyekto sa 2028 at makakapagsilbi sa 800,000 pasahero kada araw.

About The Author

Share the News