December 23, 2024

Tangke ng tubig sumabog sa Parañaque; 10 nasaktan

Sampung katao ang sugatan matapos sumabog ang tangke ng tubig sa roof deck ng isang 12-palapag na commercial building na itinatayo sa Parañaque City noong Sabado ng gabi.
Nasira ang ilang bahagi ng gusali, na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Barangay Tambo, dahil sa pagsabog na nangyari pasado alas-9 ng gabi.
Ayon sa mga nakasaksi, nahulog ang mga labi sa kalsada at tumama sa ilang sasakyan, kabilang ang isang sport utility vehicle (SUV) at isang e-trike, ayon sa ulat.
Naapektuhan din ang isang linya ng kuryente.
Ayon kay Barangay Tambo Peace and Order officer-in-charge Denson Cano, nasa malapit na kainan siya nang makarinig ng pagsabog, na una niyang napagkamalan na bomba.
“Kumakain ako dito sa bulaluhan. ‘Yung putok, akala namin, akala ko may sumabog na bomba or something kasi malakas and then mga two to 10 seconds later, may second explosion which was itong, ‘yung ano, transformer,” Pahayga nito
Kabilang sa mga nasugatan ang isang 13-anyos na kinilalang si Sebseb, na naka-e-bike nang mangyari ang pagsabog. Ang lagaslas ng tubig ay tinangay ang e-trike at naging sanhi ng pagkahulog nito sa malapit na butas.
“Nakasakay po ako sa e-bike eh. Hindi ko po alam kung anong nangyari eh, basta may bumagsak po samin tapos basang basa po kami ng tubig talaga,” Ayon pa sa report
Sugatan din ang kalapit na tindera na nagtamo ng bukol sa ulo matapos tamaan ng mga debris na nahulog.
Kinailangang isara ang ilang kalye para sa clearing operations.
Iniulat na tiniyak ng pamunuan ng gusali na sasagutin nito ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan na biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagsabog at ang posibleng pananagutan ng may-ari ng gusali.

About The Author

Share the News